Gusto kong makita ang nakita nina Lolo at Lola
April 26, 2009
Mahilig ako sa kasaysayan, kasaysayan ng ating bayan. Minsan nakita ko na may ipalalabas sa History Channel na ukol sa kalagayan ng Maynila noong panahon ng World War II. Hindi ko nasubaybayan ang palabas na ito. Pero salamat at isang tanghali, sa isang hindi ko inaasahang oras, ini-replay pala ito. Ang “Remembering the Battle of Manila”.
Sa palabas na ito, nasaksihan ko ang aktuwal na pangyayari dito sa Maynila sa kalagitnaan ng pakikidigma ng mga Pilipino at Amerikano sa mga Hapon. Sa pamamagitan ng ilang mga video at sa mga kuwento ng mga lolo at lola na naranasan ang buhay sa panahong yaon.
Madarama mo sa kanilang pagluha ang takot at kalungkutang dulot ng digmaang iyon. Kung paanong sila ay tumakbo papalayo sa kanilang lugar sa Carriedo at Avenida isang umaga dahil sa mga putok ng baril at usok mula sa nasusunog nilang mga kabahayan.
Kung papaanong pinilit nilang mabuhay sa kabila ng gutom at uhaw habang sila ay nakaratay sa Philippine General Hospital. Nasaksihan nila roon at narinig kung papaanong humiyaw ang mga bata dahil sa sobrang gutom. Na tuwing gabi sa kanilang pagtulog ay paulit ulit nilang naririnig ang salitang “Nanay gusto ko ng itlog. Bigyan nyo ko nang itlog” at isang umaga’y nakita nila na ang mga bata’y isa isa nang nangamamatay.
Kung papaano nila sikmurain ang pag-inom ng maruming tubig mula sa balon na may patay na tao. Sa sobrang uhaw nila ay kanila na lamang sinasala ang tubig sa pamamagitan nag kapirasong tela at tinatakpan ang kanilang ilong habang umiinom nito. At kung paanong madurog ang mga pader mula sa kanyon ng mga Amerikano.
Noon, sa tuwing maririnig ko ang salitang World War II ay parang wala lamang sa akin. Pero nang mapanood ko ito, nakita ko ang kabayanihan ng mga Beteranong sundalo na nakikipaglaban noon sa digmaan… at magpahanggang ngayon para sa pagkuha ng kanilang nauudlot na benepisyo mula sa gobyerno.
Kailangan pa bang mapanood din ng mga nasa katungkulan ang napanuod ko para lamang ibigay nila sa mga beterano ang benepisyong nararapat sa kanila? Sana bago pa man pumanaw ang mga lolo at lolang nakipaglaban noon ay matikman nila ang sarap ng kalayaan na ipinaglaban nila para sa atin. Hindi naman siguro kinakailangang magkaroon ng World War III upang maranasan natin ang naranasan nila para lamang sila ay lubos na maunawaan.
Pahalagahan natin ang ating mga lolo at lola. Subukan nating magpa-kwento ng ukol sa kanilang buhay noong kabataan nila. Sapagkat kung iyong maririnig masasabi mong mas maganda pa iyon kaysa sa mga tele-nobelang kinahihiligan mo ngayon. At sa pamamagitan din ng mga kuwento nila, minsan sa buhay mo, ay nakita ng iyong isipan ang mga bagay na nakita nila noon.
Nag-iisip ka ba Juan?
Lagi kang nagnanais ng pagbabago sa ating bayan,
Ramdam naming ang hapdi ng palo na iyong tinatanggap sa kapulisan,
Ngunit ang isinisigaw mo ba ay bukal sa iyong puso?
O dahil lamang sa perang iyong tinatanggap sa pulitiko.
Dinig naming ang iyong sigaw saan mang dako.
Sa tuwing iyong inuusig ang katiwalian sa gobyerno.
Matapang ka, alam naming yan kaya ikaw ay aming inihalal.
Pero bakit ngayon hindi ka naming maramdaman?
Ngayon pa kung kailan mas mabibigat na katiwalian ang natutuklasan.
Ginawa ka ba nilang pipi?
Ginawa ka ba nilang bulag?
Nasaan ka na?
Hindi kaya naging ganyan ka na dahil sa biyayang iyong tinanggap mula sa kanila.
Umaasa kang darating ang panahon na ang mamumuno sa atin ay tapat
Isang bayaning maglilingkod hindi para sa kanyang sarili kundi sa bayang Pilipinas.
Ngunit paano mo ito makakamtan kung tinatanggap mo ang bayad nila.
Kung ang ibinoto mo lamang ay yaong nakapaghatid ng serbisyo sa inyong lugar.
Hindi kayang mas mabuting ang sarili mo muna ang iyong baguhin?
Hindi natin maikakaila na tayo din ay matatalino,
Saksi natin diyan ang buong mundo.
Pero sa kabilang dako, naitatanong ba natin…
Juan, nagiisip ka bang talaga?
Piso
Idolo ko si Rizal, nakakalungkot isipin na karamihan sa atin ay pangalan lamang ang alam tungkol sa kanya. Ganyan din ako noon. Pero noong gumawa kami ng shooing para sa lahat ng nobela ni Rizal, kung saan ako si Ibarra o Simoun, nagiba ang pagtingin ko sa kanya. Sa tuwing naglalakbay ako at nakikita ko ang larawan o pangalan niya masaya ako lalo na kapag may nakikita akong mga tao na siya rin ang idolo.
Mababa lamang ang tingin ko sa piso. Pero ngayong umaga, nang mamadan kong mabuti ang piso, siya ang nakita ko.
Pangarap ko ring maging katulad niya na inilalaan ang buhay para sa Pilipinas. Ngunit marami sa atin na kapag naririnig ang Pilipinas ay mababa ang tingin o pagkakakilala nila dito. Tulad ng sa piso.
Pero kung ikukumpara natin ang kalagayan noon ng Pilipinas, kung saan ibang dayuhan ang nanghahawak sa atin, hindi ba natin naisip na ang mga bayani ay ginagawa lahay ng paraan para tayo ay makalaya?
Sana ganyan din ang gawin natin. Wag nating isipin ang mga tiwali sa gobyerno sapagkat hindi na natin sila mababago. Huwag nating isipin ang ibang dayuhan na ang tingin sa atin ay bansa ng mga alipin. Masakit, pero mas masakit pa riyan ang nararamdaman nila Rizal noong kapanahunan nila.
Simulan nating ang pagbabago sa ating sarili. Turuan natin ang ating mga anak nang mabubuting gawa. At higit sa lahat, pag-aralin natin sila. Sapagkat iyan lang ang paraan para umangat ang Pilipinas. Iyan ang paniniwala ni Rizal.
Hindi ko kinakailangang maluklok sa gobyerno para lamang matulungan ang ating bansa. Sapat na muna ang ganito na nabahagian kita ng pananaw ko. At alam ko, kahit sa munting bagay, nakatulong ako… kahit sa aking simpleng pananaw.


